TUGUEGARAO CITY – Hanggang ngayon ay nasa punerarya ang bangkay ng isang lalaki na namatay sa banggaan ng motorsiklo at kulong-kulong sa Solana, Cagayan.

Sinabi ni PCpt. Ronnie James Canapi, hepe ng PNP Solana na hindi nila malaman ang kung taga-saan ang mga kamag-anak ng biktima na nakilala lamang sa pangalang Joshua na driver ng motorsiklo.

Ayon kay Canapi, wala umano silang nakuhang cellphone at mga IDs mula sa biktima at sa kanyang kasama na si Freddie Campit na nasa ospital at hindi pa makausap dahil sa mga injuries mula sa aksidente.

Namatay din sa insidente si Reymund Rondares ng Maura, Aparri na sakay naman ng kulong-kulong.

Sa imbestigasyon ng PNP, pumunta umano sa kabilang linya ang motorsiklo kaya nabangga nito ang kulong-kulong.

Ayon pa kay Canapi, nasa impluwensiya umano ng alak ang dalawang sakay ng motorsiklo.