Nasa dalawa pang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf ang patuloy na tinutugis ng mga otoridad sa Bohol.

Ito ay matapos maaresto kahapon at mapatay kaninang madaling araw dahil nang-agaw ng baril ang naarestong bandido na si Saad Samad Kiram alyas Abu Saad.

Ayon kay PRO region 7 director Chief Supt Noli Taliño na may lead na sila kung saan posibleng nagtatago ang dalawang natitirang terorista sa Bohol.

Naniniwala ang mga otoridad na hindi pa rin nakalalabas sa bayan ng Inabangga ang mga nasabing bandido.

Ayon kay Taliño, sugatan na ang mga nagtatagong bandido.

Samantala, bago pa man napatay kaninang madaling araw si Saad, nakapabigay pa ito ng mahahalagang impormasyon.

Giit ni Taliño, na ang mga ibinahaging impormasyon ni Saad ay kailangan pa munang isailalim sa validation.