Arestado ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang babae na hinihinalang miyembro ng New People’s Army.
Ayon kay PNP CIDG Director MGen. Albert Ignatius Ferro na nahuli ang dalawang suspeks sa Block 5, Kaingin 1, Brgy Pansol, Quezon City kaninng madaling araw.
Kinilala naman ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang dalawang naaresto na sina Julieta Gomez, 39-anyos na taga Agusan Del Sur at Niez Velasco, 39 years old na taga Surigao Del Sur.
Sinabi ni Ferro, isinilbi nila ang warrant of arrest kasama ang mga sundalo dahil sa mgya kasong murder, attempted murder at crimes against humanity.
Nakuha sa mga suspek ang samu’t saring matataas na kalibre ng armas, bala at pampasabog.
Maliban dito, nakuha rin sa kanila ang mga subersibong dokumento at watawat ng NPA.
Ayon naman kay PNP chief maliban sa pagiging wanted persons, sangkot din sa panununog at pangingikil ang dalawa.
Dahil sa pagkaka-aresto sa dalawa sinabi ni PNP Chief na mas paiigtingin nila ang kampanya laban sa loose firearms lalo pa at malapit na ang SONA ng Pang. Rodrigo Duterte.
Iniimbestigahan na rin ng CIDG kung saan dadalhin ang mga armas at ang lawak ng operasyon ng dalawa.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ngayon ng CIDG ang mga suspek.
Sinabi ni Eleazar si Gomez ay tinukoy na Secretary ng Regional Urban Committee; Deputy Secretary of the Regional White Area Committee; Member of Regional Tax Implementing Group; at Member of the North Eastern Mindanao, Regional Party Committee (NEMRPC).
Ang pagkaka aresto sa dalawa ay produkto ng case operational plan (Coplan) Tina na aprubado ni PRO13 Regional Director, PBGEN Romeo Caramat batay sa recommendation ng 7-man Regional Special Project Review Board at revalidated ng National Special Projects Review Board ng Directorate for Intelligence.