-- Advertisements --
viber image 2023 04 29 10 37 26 197

Dalawa na ang napaulat na nasawi matapos ang insidente ng banggaan ng dalawang foreign-flagged vessels sa may isla ng Corregidor na nangyari kagabi nitong Biyernes, Abril 28.

Tinukoy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nagbanggaang barko ay ang MV Hong Hai 189 na isang Sierra Leone-flagged dredger at MT Petite Soeur, isang Marshall Island-flagged oil tanker.

Iniulat ni Rear Admiral Armando Balilo, tagapagsalita ng PCG na nangyari ang banggaan dakong alas-9:30 ng gabi na nagresulta sa paglubog ng MV Hong Hai 189.

Ang mga napaulat na nasawi na dalawang crew ay kasama sa 20 crew members ng MV Hong Hai 189.

Ang isa sa nasawi ay isang seaman na Chinese national na narekober ang bangkay dakong 7:30 ng umaga ngayong araw ng Sabado, Abril 29 sa isinagawang search at rescue (SAR) operation habang ang isa naman ay Filipino safety officer na nasawi habang nilalapatan ng lunas sa may Bataan General Hospital dahil sa natamo nitong injuries.

Samantala, ang 15 iba pang crew members ng MV Hong Hai 189 ay nasagip, 3 dito ay mga Pilipino at 12 ay Chinese national habang ang tatlong iba pa na Chinese crew members ay nawawala pa rin.

Sa mga lulan naman ng MT Petite Soeur, ayon kay Balilo lahat ng 21 crew members ay ligtas at nasa maayos ng kalagayan. Nagtamo nama ng pinsala ang barko at nakaangkla na sa Mariveles, Bataan.

Una ng idineploy ang rescue vessel na Heng Da 19 na rumesponde sa insidente at sa mga tripulante ng MV Hong Hai 189.

Ayon kay Balilo, nagpapatuloy pa rin ang search and rescue operations sa tatlong nawawalang tripulante ng lumubog na barko habang magsasagawa naman ang mga awtoridad ng port state control inspection sa MT Petite Soeur para i-hold ang barko.