Patay ang dalawang armadong indibiduwal na kabilang sa target sa ipinatupad na law enforcement operations sa Brgy. Tabaran, Madamba, Lanao del Sur, nitong Miyerkules ng tanghali.
Ayon kay PNP Spokesperson P/Col. Bernard Banac, sinilbihan ng warrants of arrest ang mga suspek na nagtatago umano ng mga matataas na kalibre ng armas na sina Usop Malubay Abdulziz; Abdulaziz Macalatas Abombay; Zanodin Moro Macaltas Ameril; Alican Macabuntal alyas “Midig Usman”; at Usman Barating Macabuntal pero pinaputukan ang pinagsanib na pwersa ng PNP Lanao del Sur, Special Action Force at mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion.
Resulta ng matinding sagupaan ang pagkasugat ng walong pulis at isa ang nawawala at pagkamatay ng dalawang suspeks na nakilalang sina Zanodin Moro at Macalatas Ameril.
Kinilala din ni Banac ang walong sugatang pulis na sina: P/Cpt. Gevero, P/Cpt. Boglosa, P/SMSgt. Panitan, P/SSgt. Olete, P/SSgt. Cadano, P/Pat. Montallana, P/Cpl. Rosco at P/Cpl. Masakal na kasalukuyang ginagamot ngayon sa Amai Pakpak Hospital sa Marawi City.
Sinabi ni Banac na nasa mabuti nang lagay ang mga sugatang pulis.
Iniulat din ni Banac na kanila nang na-contact ang napaulat na missing na pulis na si P/Cpl. Gilbert Males na naka-assign sa Lanao Del Sur PPO.
Narekober sa posisyon ng mga suspeks ang matataas na kalibre ng armas kabilang ang dalawang M16 Rifles, isang M16 Rifle na may naka attached na M203 Grenade launcher.
Nasunog din ang Patrol car na ginamit ng mga pulis na tinamaan ng M203 projectile.
Ayon kay Banac, tumutulong na rin sa ngayon ang mga tropa ng 55th Infantry Battalion ng Philippine Army, at pamahalaang lokal ng Madamba para marekober ang nawawalang pulis.
Nagpadala na rin sila ng mga search and retrieval teams sa lugar.