BACOLOD CITY — Nasa isolation room ngayon ng Emerging and Infectious Disease Facility sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital (CLMMRH) ang dalawang katao na itinuturing na person under investigation (PUI) sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 NCOV-ARD) sa Negros Occidental.

Nitong Lunes, kinumpirma ni Governor Eugenio Jose Lacson na isang 48-anyos na lalaking Canadian national at isang 12-anyos na lalaking Negrense ang unang dalawang PUIs sa lalawigan.

Nabatid na mayroong travel history sa Taiwan ang Canadian national habang ang batang Negrense naman ay nakapunta rin sa Hong Kong at Macua nitong nakaraan.

Ayon kay Lacson, walang dapat ikatakot ang publiko dahil suspected cases pa lamang ang ito.

Aniya, sundin lamang ang preemptive measures na iniuutos ng Department of Health at maging mapagmatyag.

-- Advertisement --

Umapela din ito sa mga nakasama ng dalawang PUIs na mag-self quarantine muna.

Inaasahan na lalabas na ngayong araw ang resulta ng laboratory test ng foreign national matapos itong kuhanan ng samples at ipinadala na sa Research Institute of Tropical Medicine (RITM) habang sa bukas naman ang sa Negrense.

Sinabi naman ni Dr. Julius Drilon, medical center chief ng CLMMRH, nakahanda silang magbigay ng atensyon medikal sa mga PUI na iko-confine sa pagamutan dahil mayroon trained personnel para rito.

Aniya, walong nurse ang nakaduty sa bawat shift sa isolation area.