-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Dalawang tindahan sa Luna, Isabela ang naipasara dahil sa pagbebenta ng alak.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Melchor Aggabao, hepe ng Luna Police Station, sinabi nito na matapos makatanggap ng impormasyon ang kanilang himpilan kaugnay sa pagbebenta ng alak ay agad umano silang nagsagawa ng mga buy bust operation.

Nagresulta anya ito sa pagkakatuklas ng dalawang tindahan at isang freelance seller sa barangay Mambabanga at Dadap na natitinda ng alak sa gitna ng ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine.

Modus anya ng mga nasabing tindahan na tumanggap ng bayad sa mismong tindahan at pagkatapos ay kukunin na lang ang mga panindang alak sa bahay ng mga may-ari ng tindahan.

Napaamin din ng pulisya sa bayan ng Luna kung sino ang nagtutustos ng alak sa mga nasabing tindahan kung kayat nagsagawa rin sila ng operasyon laban dito.

Ayon sa hepe, kakaiba naman ang modus ng mga supplier ng alak dahil nirerepak nila sa ibang karton ang bote-botelyang alak na binibili sa kanila ng mga retailer.

Maliban sa pagkakasara ng mga tindahang nagbebenta ng alak ay masasapamhan din ng mga kaso ang mga nasabing nagtitinda sa ilalim ng regular filing matapos ang enhanced community quarantine.

Samantala, mahigpit din na ipinapatupad sa nasabing bayan ang pagpapasuot ng face mask sa mga lumalabas ng kanilang bayan.

Ayon kay PCapt. Aggabao, isinasailalim nila sa ilang oras na community service ang mga nahuhuling lumalabag dito at pagkatapos ay binigyan na rin sila ng face mask.