-- Advertisements --

Naniniwala si Senator Raffy Tulfo na may posibilidad na dalawang senador mula sa majority bloc ang lumipat sa minority dahil sa umano’y hindi pagsang-ayon sa ilang nagaganap sa Senado.

Sa isang panayam sinabi ni Tulfo na napansin niya ang hindi pagkakuntento ng ilang miyembro ng majority sa gitna ng mga kamakailang tensyon at usapin sa loob ng mataas na kapulungan.

Ayon sa senador, may dalawang miyembro ng majority bloc na tila hindi komportable sa mga nangyayari batay sa kanilang kilos at asal, bagama’t hindi niya tinukoy kung sinu-sino ang mga ito.

Sa kasalukuyan, may 11 miyembro ang minority bloc habang 12 naman ang nasa majority bloc. Hindi kabilang sa bilang ng aktibong majority members si Senator Ronald dela Rosa, na nananatiling hindi nagpapakita sa publiko matapos lumabas ang arrest warrant laban sa kanya mula sa International Criminal Court (ICC).

Dahil dito, sinabi ni Tulfo na napakanipis na lamang ng majority at maaaring magbago ang balanse ng kapangyarihan sa Senado kung may mga senador na lilipat ng kampo.