-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nabigyan na ng medikal na atensyon ang mga residenteng nadamay at sugutan sa nangyaring pananambang ng pinaniniwalaang mga miyembro ng rebeldeng grupo sa lungsod ng Legazpi.

Ayon kay Punong Barangay Beejay Ariola sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sumabog ang dalawang improvised explosive devise sa Purok 5, Sitio Tiko-Tiko Barangay Homapon, Legazpi City dahilan upang magtamo ng sugat ang ilang dumadaan sa lugar.

Kabilang sa mga biktima ang isang pamilya na sakay ng isang tricycle at isang abogado na nagtamo rin ng tama ng bala.

Maliban sa dalawang sumabog na IED, isa pang bomba ang narekober sa pinangyarihan ng insidente.

Bago ang pagsabog sinilaban muna ang cell site sa lugar ng hindi pa nakikilalang mga suspek.

Batay sa pakikipag-ugnayan ng ospisyal sa mga imbestigador, lumalabas na itinanim ang naturang mga bomba upang abangan ang pag-uwi ng mga otoridad.

Samantala sa parehong araw isang pagsabog rin ang naitala sa Purok-4 Barangay Anas, Masbate City na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang katao.

Kinilala ang mga namatay na biktima na sila Nolven Absalon, 40-anyos at Kieth Absalon, 21-anyos na isang football player.

Habang sugatan naman ang 16-anyos na anak ni Nolven na agad namang dinala sa Masbate Provincial Hospital.

Batay sa imbestigasyon ng Masbate City Police, galing sa Barangay Nursery ang mga biktima at papunta sana sa kamag-anak sa Barangay B. Titong ng tamaan ng mga shrapnel mula sa sumabog na improvised explosive device (IED).

Sa kasalukuyan mahigpit na ang seguridad sa palibot ng pinangyarihan ng insidente at inalerto na rin ng Masbate City Police ang mga karatig-bayan para sa posibleng pagkakaaresto at pagkakakilanlan ng mga suspek.