-- Advertisements --

Dalawang panukalang batas ang sinertipikahang urgent ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kinabibilangan ng pagpapalakas sa Anti-Money Laundering law at pagtiyak na manatiling matatag ang Philippine financial industry sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa kanyang hiwalay na sulat kina House Speaker Lord Allan Velasco at Senate President Vicente Sotto III, sinabi ni Pangulong Duterte na nais nito ang agarang pagpasa sa House Bill No. 6174 at Senate Bill No. 1412 para maka-comply ang Pilipinas sa legal standards ng anti-money laundering at counterterrorism financing na itinatag ng mga kinauukulang international bodies.

“Such compliance will avoid adverse findings against the country which could lead, among others, to increased costs of doing financial transactions, to the prejudice of the business sector and our overseas Filipino workers,” ani Pangulong Duterte.

Nais din ni Pangulong Duterte na agad maipasa ang Senate Bill No. 1849 o “An act ensuring Philippine Financial Industry Resiliency Against COVID-19 Pandemic.”

Layunin umano nitong mapalakas ang mga financial initiatives tungo sa national economic recovery at mapanatiling matatag ang financial sector sa gitna ng pandemya.