CEBU CITY – Patuloy pa ngayong iniimbestigahan ng Anti-Kidnapping Group-Visayas ang mga posibleng lider sa likod ng kidnap-for-ransom group kasunod ng pagkaaresto sa dalawang umano’y Chinese kidnappers noong Mayo 7 sa isang safe house sa Barangay Mactan sa lungsod ng Lapu-Lapu.
Matagumpay na naaresto ng mga otoridad ang dalawang Chinese na nakilalang sina Rongtong Xue at Li Guo Min.
Nasagip naman sa safehouse ang 34-anyos na negosyanteng Chinese din na napaulat na kinidnap at tinorture umano ng mga suspek.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, itinali ang mga kamay, binugbog at tinakpan ang mga mata ng biktima at humingi pa ang mga ito ng ransom demand na P10 million.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay PLt Zosimo Ravanes Jr., ipinaliwanag nito na natagalan ang kanilang press release kaugnay sa insidente dahil sa mga ginawa nilang follow up operations.
Nakabase pa umano ang mga ito sa Pasay City at inamin naman nilang nagtungo lang daw sa Cebu para isagawa ang pangingidnap.
Dagdag pa ni Ravanes, nasampahan na rin ang dalawang naarestong suspek ng kasong kidnapping for ransom and serious illegal detention at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Samantala, nanawagan naman si Ravanes sa publiko na dapat magsumbong sa mga otoridad kung may nakikita o nalalamang kahalintulad na insidente.