Pinalakas ng pamahalaan ang seguridad sa enerhiya matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dalawang Petroleum Service Contracts (PSC) para sa mga proyekto sa Cebu at Leyte, ayon sa Department of Energy (DOE).
Ang Service Contract 89 sa Cebu ay para sa muling pagpapatakbo ng Alegria Oil and Gas Field matapos ang tatlong taong pagtigil nito.
Tinatayang may 27.93 milyong bariles ng langis sa lugar, kung saan 3.35 milyon ang maaaring makuha, at may 6.6 bilyong cubic feet ng natural gas na maaaring marekober.
Inaasahan itong lilikha ng trabaho at magpapalakas ng suplay ng enerhiya sa Visayas.
Samantala, ang Service Contract 90 sa Leyte ay nakatuon sa exploration ng natural hydrogen sa pamamagitan ng pag-aaral sa ophiolite formations na posibleng makalikha ng hydrogen gas.
Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, bahagi ito ng tuloy-tuloy na hakbang ng gobyerno upang paunlarin ang lokal na enerhiya at mabawasan ang pagdepende sa inaangkat na langis, lalo na sa gitna ng pabagu-bagong presyo sa pandaigdigang merkado ng langis.














