-- Advertisements --

Isusumite ng Malacañang sa Kongreso sa araw ng Lunes, Oktubre 5 ang kauna-unahang report nito sa Bayanihan 2.

Dito makikita ang pinagkakagastusan o pinaglaanan na ng pamahalaan sa pondong nakapaloob sa Bayanihan 2.

Sinabi ni Presidential Spokesman Sec. Harry Roque, isasapubliko naman ito ng Malacañang at makikita ang kabuuang report.

Nakapaloob sa Bayanihan 2 ang ikalawang tranche ng social amelioration program (SAP) at recovery program ng pamahalaan para sa mga sektor na labis naapektuhan ng COVID-19 pandemic at kinakailangang matulungan na muling makabangon at magbalik-operasyon.

Sa nakalipas na Bayanihan 1, kada Lunes ay nagsusumite sa Kongreso si Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang report para ilatag kung saan-saan napunta ang pondo para sa pagtugon sa COVID-19.