
Asahang makakauwi na bukas dito sa Pilipinas ang unang batch ng mga overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Iraq na ire-repatriate dahil pa rin sa nagpapatuloy na iringan ng bansang Iran at Estados Unidos.
Ang unang batch ay na mare-repatriate ay nasa Philippine Embassy sa Baghdad na dadalhin muna sa Doha sa Qatar bago tutulak ng Manila.
Ayon kay Department of National Defense (DND) Spokesperson Arsenio Andolong, asahang madadagdagan pa ang bilang ng mga OFWs na paparating sa bansa sa mga susunod na araw.
Patuloy din umano ang panawagan ng embahada ng Pilipinas sa naturang bansa sa mga OFWs na nais nang umuwi dito sa Pilipinas na makipag-ugnayan sa kanila.
Sa ngayon, nasa Qatar na rin si Special Envoy to the Middle East at kasalukuyang Environment Secretary Roy Cimatu para ipatupad ang repatriation ng mga OFWs.
Patuloy din umanong ina-assess ni Cimatu ang sitwasyon ngayon sa Iran, Iraq at Libya at mga karatig na bansa sa Gitnang Silangan.
















