(Update) Nakilala na ang 19 na mga pasahero na nasawi sa naaksidenteng bus na nahulog sa bangin kagabi sa Occidental Mindoro.

Kabilang sa mga namatay ay ang driver ng bus na si Arno Panganiban na dead on the spot, Erwin Ebenguena, 40, konduktor ng bus; Leaflor Boriado, Cely Fama, 63; Marciano Ramos, 62; Rudy Bacani, Teresita Tupagan, Elizabeth Dela Cruz, Verginia Ramos, Lolita Bayle, Anselma Gomez, Gilbert Laguardia Jr., Robert Joso, Josie Salcedo, Judith Gabuco, Nelie Alvaro, Gloria Gabuco, Rodolfo Santiago, at Percival Flores.

Natukoy na rin ang mga sugatan na kinabibilangan nina Madelyn Bayle Tulaylay, Allan Sanchez, Leodegario Toreja Caballes, Mary Jane Dawis Caballes, Jessica Boriado Odenia, ina at ang kanyang one-month old baby na si Byron Yugo Boriado Odenia; Alex Hernandez, Asuela Azula, Normin Lancian, Angelie Bayle, Vanessa Bayle, Darwin Robles, John Rey Perlas, Hanila Bermeo, Von Mayon, Kheira May Tulaylay, Raffy Acosta, Jessie Driza, Kristine De Jesus, Brandon Perlas at Ace Tulaylay.

Tinukoy din na posibleng mechanical problem ang sanhi ng aksidente.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo sa imbestigador ng kaso na si PO2 Alexis Go mula sa site, sinabi nito na batay sa initial findings ng mga kasama nilang mechanic experts mula sa LGU ng Occidental Mindoro,  posibleng nawalan ng preno ang bus.

Dagdag pa ni Go, nakapag-hand break pa umano ang driver.

“Nakapag-engaged” pa raw umano ito ng kambiyada.

Nakita rin ng mga mekaniko na natanggal ang propeller ng bus.

Batay sa diskripsiyon na ibinigay ni PO2 Go sa lugar ng pinangyarihan ng aksidente, ang nasabing highway ay walang streetlight kaya madilim.

Hindi naman ito isang matirik na lugar kundi palusong o pababa ito.

Tinatayang nasa 15 metro hanggang 30 metro ang binagsakan ng bus.

Aniya, maraming paliko liko o blind curve ang nasabing highway at wala ring kabahayan sa nasabing lugar.

Ginagawa rin ang nasabing highway kaya maraming graba sa lugar.

Aniya, ang tanging signage na meron sa area ay ang sinasabing “no overtaking.”

Iniulat din ni Go na walang indikasyon na nag-overtake ang nasabing bus.