Pumalo na sa hindi bababa sa 22 katao ang kumpirmadong nasawi habang humigit-kumulang 384 pa ang patuloy na hinahanap matapos manalasa ang isang dambuhalang flash flood sa hilagang bahagi ng Nepal at border ng Tibet nitong Miyerkules, Agosto 26.
Batay sa mga opisyal na ulat, nag-ugat ang trahedya nang yumanig ang isang magnitude 4.4 na lindol na nagdulot ng malaking landslide. Ang humambalang na lupa at mga malalaking bato ay humarang sa likas na daloy ng tubig sa Bhote Koshi River malapit sa hangganan ng Tibet.
Nang tuluyang bumigay ang nabuong harang, mabilis na rumagasa ang napakalaking volume ng tubig at putik patungo sa mga kalapit na pamayanan sa kahabaan ng ilog.
Kabilang sa mga nawawala ang daan-daang lokal na residente, mga dayuhang turista, at ilang miyembro ng security forces matapos tangayin ng baha ang kanilang outpost. Nagdulot din ito ng malawakang kawalan ng kuryente sa mga kalapit na distrito matapos mawasak ang mga pangunahing kalsada, tulay, at mga hydropower plant.
Kasalukuyan nang nagpapatupad ng malawakang search and rescue operations ang Nepal Army katuwang ang mga emergency response team gamit ang mga helicopter at specialized equipment.
Naka-high alert na rin ang lahat ng komunidad sa gilid ng ilog habang patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang daloy ng tubig mula sa border.
















