-- Advertisements --

Nairita si Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson sa umano’y “copy-paste” na ginawa ng Office of the Vice President (OVP) sa kanilang mga programa noong 2022 at 2023 sa gitna ng nagpapatuloy na pagdinig sa impeachment trial.

Ayon kay Lacson, hindi man lamang binago ang pangalan, paglalarawan, at mismong halaga ng pondo sa mga naturang programa.

Binigyang-diin ng senador na ang ginawang ito ng OVP ay mistulang insulto sa common sense ng publiko at ng korte, bago tuluyang tinukoy ang naturang hakbang ng ahensya bilang “stupid.”

Binalikan din ni Lacson ang magkakaparehong P125 milyong pondo para sa una, ikalawa, ikatlo, at ikaapat na quarter ng 2023 upang magastos ang kabuuang P500 milyong alokasyon.

Kapansin-pansin aniyang kapareho rin ito ng P125 milyong pondo sa huling quarter ng 2022.

Sa kabilang banda, binuweltahan din ni Senator-Judge Erwin Tulfo si OVP Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio ukol sa kawalan nito ng dudang pumirma sa mga kuwestyonableng dokumento at acknowledgement receipts na isinumite ng security officer na si Col. Dante Lachica.

Ipinaliwanag naman ni Ortonio na nakabase lamang ang kaniyang mga aksyon at desisyon sa mga dokumentong inihaharap sa kaniya ng kaniyang tanggapan.

Subalit kinwestyon ito ni Tulfo at itinanong kung paanong nakasasagot nang tama si Ortonio sa mga tanong sa paglilitis kung pilit nitong iginigiit na “wala siyang alam.”

Ayon sa senador, ang tanging paraan lamang upang magawa ito ng testigo ay ang magsinungaling sa harap ng impeachment court.