Inabot ng 32 minuto ang inilabas na desisyon ni Presiding Officer at Senate President Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng online post noong Agosto 12, 2026 ni Atty. Virgil Ligutan na tumatalakay sa diumano’y paggamit ng misleading questions sa ginagawang cross-examination.
Sa kaniyang ruling, binigyang-diin din ng Presiding Officer ang paggamit ng mga hindi angkop na salita sa nagpapatuloy na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, tulad ng “scam,” “scammer,” at iba pang katulad na paratang.
Paliwanag ni Escudero, bagama’t nananatiling bukas sa publiko ang impeachment court, hinding-hindi niya hahayaang magkaroon ng trial by publicity, partikular ang paggamit sa mga social media platform upang talakayin ang merito at iba pang usapin kaugnay ng kaso.
Dahil dito, nagpalabas ng strict warning ang Presiding Officer at nagbabala na hindi lamang pormal na babala ang posibleng ipataw ng korte kay Ligutan, sa buong prosecution team, sa defense counsel, at maging sa mga senator-judges sakaling umulit pa ang mga ito habang umuusad ang paglilitis.
Muli niyang pinalalahanan ang lahat ng panig na agad nang itigil ang pag-post ng anumang komentaryo o usapin tungkol sa trial sa alinmang mga social media page.
Iginiit ng senador na ang paggamit sa social media upang mag-usig ng isyu o impluwensyahan ang pananaw ng publiko sa labas ng impeachment court ay tahasang nakasisira sa integridad at pagiging patas o impartiality ng buong paglilitis.
















