-- Advertisements --

Nanawagan si Parañaque Rep. Brian Yamsuan sa Department of Education (DepEd) at Kongreso na palakasin ang pagpapatupad ng Good Manners and Right Conduct GMRC at Values Education upang mas mapatatag ang moral na pundasyon ng mga kabataang Pilipino.

Ayon kay Yamsuan, hindi lamang tamang asal ang itinuturo ng Good Manners and Right Conduct (GMRC), kundi ang paghubog ng mga mamamayang may mabuting pagkatao.”

Ginawa niya ang panawagan kasunod ng mga insidente ng bullying at karahasan sa mga paaralan, kabilang ang mga pagbaril sa mga estudyante sa Zamboanga City at Tacloban City.

Giit ni Yamsuan, hindi sapat ang GMRC para tuluyang masolusyunan ang karahasan, ngunit isa itong mahalagang moral foundation ng mga kabataan.

Hiniling niyang repasuhin ang pagpapatupad ng GMRC and Values Education Act, Anti-Bullying Act at mga batas para sa mental health ng mga estudyante.

Nais din niyang ganap na maipatupad ang GMRC bilang hiwalay na asignatura sa Grades 1 hanggang 10, kasabay ng sapat na training para sa mga guro at mas aktibong partisipasyon ng mga magulang.

Ayon kay Yamsuan, kailangang mamuhunan ang gobyerno hindi lamang sa kaalaman ng mga kabataan kundi pati sa kanilang karakter at konsensya.