-- Advertisements --

Nagkaroon ng mainit na palitan ng pahayag sina Senator-Judge Robin Padilla at private prosecutor Atty. Mae Divinagracia sa pagpapatuloy ng impeachment trial kaugnay ng usapin sa paggamit ng mga alyas.

Sa kaniyang pagtatanong, binanggit ni Padilla ang ilang alyas na ginamit ng mga bayani ng Katipunan gaya nina “Dimasalang,” “Siling Labuyo,” “Maypag-asa,” “Magtalo,” at “Leon Kilat.”

Inihambing din niya ito sa paggamit ng alyas ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA), na aniya’y mahalaga upang mapanatiling kumpidensyal ang kanilang pagkakakilanlan at kilos sa gitna ng armadong tunggalian.

Iginiit naman ni Divinagracia na hindi na dapat gawing isyu ang paggamit ng alyas dahil hindi naman ito ang pangunahing usaping nililitis sa impeachment court.

Hindi naman ito sinang-ayunan ni Padilla, kung saan binigyang-diin niyang mahalagang matalakay ang paggamit ng mga alyas dahil bahagi ito ng usapin sa pagkakakilanlan at pagpapanatili ng pagiging kumpidensyal.

Umayaw naman ang prosekusyon at naghain ng pagtutol matapos banggitin ni Padilla ang pangalang “Marcelino Bonifacio,” na sinabi ng senador na alyas umano ng pumanaw na dating senador na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr.