-- Advertisements --

Biyaheng Ilocos Norte ang humigit-kumulang 15,000 delegates para sa nakatakdang Palarong Pambansa ngayong taon na nakatakda mula May 25 hanggang May 30.

Ito ay kinabibilangan ng student-athletes, coaches, at game officials mula sa 20 athletic association sa buong bansa. Binubuo ito ng 18 rehiyon, kasama ang National Academy of Sports, at ang Philippine Schools Overseas.

Ito ang unang pagkakataon sa loob ng halos anim na dekada na babalik sa Ilocos Norte ang Palarong Pambansa kung saan ang huling hosting ng probinsya ay noon pang 1968, o panahong namamahala pa si dating Pang. Ferdinand Marcos Sr.

Magsisilbing sports venue ang 11 munisipalidad at syudad sa naturang probinsya. Kinabibilangan ito ng Laoag City, Batac City, Bacarra, Burgos, Dingras, San Nicolas, Pasuquin, Piddig, Paoay, San Nicolas, at bayan ng Sarrat.

Ngayong 2025 Palaro, nagsisilbing defending champion pa rin ang National Capital Region (NCR) na nakapagbulsa na ng 17 straight Palaro wins, pinakahuli ay ang Palaro nitong nakalipas na taon na ginanap sa Cebu City.

Samantala, sa 2025 edition ng palaro ay may ilang pagbabagong ipinasok ng mga organizer.

Kabilang dito ang pagdagdag sa weightlifting bilang isang demonstration sport, habang ang pole vault (secondary girls) at pencak silat ay magiging regular sports na.

Pasok din sa 2025 Palaro ang Palaro ng Lahi o Larong Pinoy.