LAOAG CITY – Namatay habang ginagamot sa ospital ang babaeng engineer matapos pagbabarilin sa Sitio Nagmarcaan, San Marcelino, Dingras Ilocos Norte.
Kinilala ang biktima na si Desirie Butay, 31-anyos, isang engineer at residente sa naturang barangay.
Ayon kay Barangay Captain Noel Calaoagan, may naireport sa kanila na sasakyang nahulog sa kanal kung kayat agad silang nagreponde.
Ngunit nang malapitan na nila ang sasakyan ay dito nila nakita ang biktima sa driver’s seat ng Mitsubishi L300 na duguan dahilan para itakbo ito sa Dingras District Hospital ngunit inilipat sa mas malaking ospital.
Ayon naman ng Philippine National Police, sinabi ni Police Major Norman Pentang, ang chief of police ng bayan ng Dingras nang dumating na sila sa lugar ng pinangyarihan ng pamamaril ay naitakbo na ang biktima, at narekober naman ng SOCO ang ilang basyo ng umanoy kalibre 45 na baril.
Sa inisyal na imbestigasyon nila ay galing umano ang biktima sa bayan ng Solsona dahil nandoon ang negosyo nito, at nang pauwi na ito ay inabangan ng mga suspek.