
Boluntaryong sumuko sa militar ang 15 miyembro ng teroristang Abu Sayyaf kay 1101st Brigade Commander Col. Antonio Bautista sa probinsiya ng Sulu kaninang alas-12:00 ng tanghali sa Sitio Bayug, Barangay Samak, Talipao,Sulu.
Isinuko din ng mga bandido ang kanilang 14 na mga armas kung saan 10 dito ay mga high-powered firearms.
Ayon kay Bautista ang mga sumukong bandido ay mga followers ni ASG leader Radulan Sahiron at Kidnap for Ransom Group na nag-ooperate sa mga bayan ng Patikul, Talipao, Maimbung at Indanan.
Sinabi ni Bautista ang pagsuko ng 15 bandidong Abu Sayyaf ay dahil sa collaborative effort ng LGUs at ng iba pang operational control units ng militar sa nasabing probinsiya.
Iprinisinta ni Bautista kay JTF Sulu commander MGen. William Gonzales ang 15 sumukong bandido sa isinagawang ASG Returnees Localized Social Integration Program kaninang umaga.
Sasailalim sa custodial debriefing at medical check-up ang mga sumukong Abu Sayyaf members.
Pinuri naman ni Bautista ang naging desisyon ng mga bandido na nais ng magbagong buhay at maging kaisa sa adhikain ng gobyerno na magkaroon na ng pangmatagalang kapayapaan sa probinsiya.















