Ipagpapatuloy ngayong linggo ng House Committee on Appropriations ang pagtalakay sa panukalang P6.793-trilyong pambansang budget para sa 2027, kabilang ang pondo ng mga ahensyang nakatutok sa edukasyon, kalusugan, hustisya, teknolohiya, turismo, ayuda at trabaho.
Bukas, Lunes, September 7, tatalakayin ang budget ng DepEd, Department of Health, Judiciary, DICT at Department of Tourism.
Susundan ito sa Martes, September 8, para sa panukalang pondo ng DSWD at Department of Labor and Employment.
Noong September 3, binusisi naman ng komite ang budget ng DOTr, DAR, DFA at Commission on Human Rights.
May panukalang P300.96 bilyong budget ang DOTr para sa 2027, mas mataas ng 118.33% kumpara sa pondo nito sa 2026.
Samantala, may P14.61 bilyon namang panukalang budget ang DAR para sa pagpapatuloy ng reporma sa lupa, habang P35.17 bilyon ang hinihingi ng DFA para sa diplomatic operations at pagtulong sa mga Pilipino sa ibang bansa.
Inanunsyo rin ng DFA na target nitong ilabas ang bagong disenyo ng Philippine passport pagsapit ng Hunyo 2027.
Magkakaroon ito ng mas advanced na security features at contactless chip technology habang mananatiling 10 taon ang validity.
















