Nagkainitan sina Kamanggagawa Party-list Representative Elijah “Eli” San Fernando at Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino sa kalagitnaan ng deliberasyon para sa panukalang 2027 budget ng ahensya. Nag-ugat ang tensyon sa usapin ng naantalang pagpapatupad ng dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa National Capital Region (NCR).
Inihayag ni San Fernando na batay sa order ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 152, magiging epektibo lamang ang writ of preliminary injunction kung maglalagak ng 10-B bond ang mga petitioner. Iginiit ng mambabatas na dahil wala pang nailalagak na bond ang mga kumpanya, walang umiiral na legal na injunction kaya walang legal na dahilan ang Department of Labor and Employment (DOLE) para ipatigil ang umento sa sahod.
Binigyang-diin pa ni Rep. Eli na ayon sa Republic Act No. 6727 o Wage Rationalization Act, ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB) ang may eksklusibong kapangyarihan sa pagtatakda ng sahod. Malinaw rin aniyang ipinagbabawal sa ilalim ng naturang batas ang pagpapatupad ng injunction ng mga karaniwang korte laban sa desisyon ng wage board.
Depensa naman ni Sec. Tolentino, ang pagsususpinde sa taas-sahod ay hindi desisyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) kundi pagtalima at paggalang lamang sa umiiral na proseso ng batas. Aniya, ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang magdesisyon ukol sa legalidad nito, at oras na maglabas ang mataas na hukuman ng utos na ipatupad ang umento ay agad naman aniya itong susundin ng ahensya.
Idinagdag pa ni Tolentino na nauunawaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino na makatanggap ng mas mataas na sahod sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Aniya, nararapat lamang na makuha ng mga manggagawa ang umentong nararapat para sa kanila.
Ipinaliwanag ng kalihim na naghain na ang ahensya sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG) ng legal na petisyon upang kwestiyunin ang RTC order. Sinusuportahan din umano ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang hiwalay na petisyong inihain ng mga grupo ng manggagawa kabilang ang Kamanggagawa Party-list sa Korte Suprema upang pigilan ang Regional Trial Court (RTC) sa pagpapawalang-bisa sa wage order
Sa pagppatuloy ng mainit na talakayan, iginiit ni San Fernando na walang karapatan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na humingi ng pondo para sa taong 2027 kung hindi nito kayang idepensa ang karapatan ng mga manggagawa, kaya iminungkahi nito na i-defer o isantabi ang budget ng ahensya. Gayunman, hindi naaprubahan ang naturang petisyon matapos makakuha lamang ng 7 pabor na boto laban sa 31 na bumoto laban dito.
















