Nakatakdang sampahan ng reklamo ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang nasa 131 na local government units matapos bigong sumunod sa patakaran ng pagtatatag ng Electronic Business One-Stop-Shop (EBOSS) System sa kanilang mga lugar.
Ayon kay ARTA Director General Ernesto Perez hindi tumugon ang 131 LGUs sa ipinadalang show cause order para magpaliwanag kung bakit hindi nakapagtatag ng naturang electronic system.
Sinabi ni Perez, mahigit 400 LGU ang kanilang pinagpaliwanag, kung saan karamihan ay walang internet access at kulang ng sapat na pondo ang dahilan kaya hindi makapag-establish ng EBOSS System.
Sa datos ng ARTA, nasa 115 pa lang mula sa mahigit 1,600 na LGUs sa bansa ang nakapagtatag ng EBOSS System.
Dito sa Metro Manila, tanging bayan ng Pateros na lang umano ang hindi pa nakasunod sa patakaran.
Binigyang-diin ni Perez na malaking ginhawa ang hatid sa publiko ng nasabing sistema dahil mas napabilis ang proseso sa pag-iisyu ng business permits, na umaabot ng lang ng lima hanggang sampung minuto, depende kung kumpleto ng mga naisumiteng requirements.