LEGAZPI CITY – Ipinagpapasalamat ng alkalde ng Guinobatan, Albay ang pagsunod ng mga residente sa isinagawang preemptive evacuation lalo na sa mga nasa banta ng lahar dahil sa dalang ulan ng bagyong Ursula.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Ann Gemma Onghoco, aabot sa 1, 000 na pamilya ang inilikas at nagpasko sa evacuation centers mula sa higit sa 500 na pamilya sa Brgy. Maninila at higit 200 naman sa Brgy. Tandarora.
Paliwanag ni Onghoco, nasa gitna ng dalawang river channels na konektado sa bulkan ang Maninila kaya’t maagang inabisuhan sa paglikas upang hindi makulong sa lugar sa paglakas ng mga pag-ulan at daloy ng depoits mula sa Mayon.
Maliban pa ang bilang sa una nang inilikas noong Bagyong Tisoy na nananatili pa sa evacuation center na 28 pamilya sa Brgy. San Francisco at 12 sa Brgy. Travesia.
Sa kabilang dako, sinalubong rin ng nasa 13,394 na stranded passengers sa iba’t ibang pantalan ng Bicol ang Kapaskuhan.
Nagsilbi namang noche buena ng mga ito ang “hot meals” mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at local government units (LGUs).