Target ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na hukayin at hanapin ang katawan ng 12 dayuhan na umano’y inilibing sa compound ng Lucky South 99.
Ang libingan ng mga ito ay una na umanong itinuro ng ilang mga testigo, ayon kay PAOCC Spokesperson Winston Casio.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng komisyon, ang mga dayuhang inilibing sa naturang compound ay dati umanong nagtrabaho sa naturang POGO hub.
Inaalam ngayon ng komisyon kung ano ang totoong nangyari sa mga ito, kasunod ng pagpatay sa kanila at tuluyang paglibing sa loob mismo ng compound.
Ayon pa kay Casio, nakipag-ugnayan na rin ang komisyon sa Philippine National Police para sa posibleng record ukol sa mga dayuhang pinatay sa loob ng compound.
Una nang nag-apply ng search warrant ang komisyon mula sa korte upang magkaroon ng legal na basehan sa paghuhukay sa naturang compound, kasunod ng naging testimonya ng mga testigo na una nang lumutang.