-- Advertisements --

DAVAO CITY – Napagdesisyunan ni Davao City Mayor “Inday” Sara Duterte-Carpio na hindi muna isasagawa ngayong taon ang Christmas Day gift-giving sa ancestral house ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte.

Nabatid na nakagawian na ang nasabing event ngunit prayoridad ang precautionary measure upang maiwasan ang mas pagtaas ng kaso ng coronavirus sa siyudad.

Ayon sa alkalde, malaki ang posibilidad na kung itutuloy ng lokal na pamahalaan ang aktibidad ay tiyak na hindi matutupad ang health protocols lalo na ang social distancing.

Kung maaalala, bawat taon ay aabot sa libo-libong Dabawenyo ang pumupunta sa ancestral house ni Pangulong Duterte sa Taal Road, Central Park Subdivision sa Barangay Bangkal, para manghingi ng pamasko.

Ngunit dahil sa nagpapatuloy na pandemic, kinokunsulta muna ng lokal na pamahalaan sa national government kung may gagawin na malalaking aktibidad sa siyudad.

Una nang sinabi ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na mahigpit na ipinagbabawal ang mass gatherings na isa sa kinokonsiderang “super-spreader” ng deadly virus.

Nabatid na muling binalik ang lungsod sa general community quarantine (GCQ) na matatapos hanggang sa huling araw ng 2020 sa Disyembre 31.