-- Advertisements --

CEBU – Nahaharap sa patung-patong na kaso ang labing isang pulis ng San Nicolas Police Station sa lungsod ng Cebu dahil sa pagkakadawit ng mga ito sa extortion, pagnakaw samantalang isa sa mga ito ang di umano’y nang-rape ng suspek.

Ayon kay Police Regional Office (PRO-7) Director PBGen. Ronnie Montejo, inaresto ng naturang mga pulis ang isang alyas Maria noong Marso 9, 2021 dahil sa akusasyon na sangkot ito sa kalakaran ng iligal na droga kabilang na ang pagkakaroon ng baril na walang lisensiya.

Dinala umano ang babae sa bangko at pina-withdraw ng P170,000 at dinala umano sa isang motel at ginahasa. Pinakawalan din umano ito kinabukasan at dinala pa sa Bry. Tungkil, Minglanilla, Cebu, sa lugar kung saan nakatira ang babae.

Kaugnay nito, kaagad humingi ng tulong si Maria sa Integrity, Monitoring and Enforcement Group (IMEG) Visayas at doon na ginawa ng otoridad ang operasyon laban sa mga pulis.

Nadiskubre na walang naka-file na blotter kaugnay sa pag-aresto ng biktima. Pansamantalang nasa kustudiya ng PRO-7 ang naturang mga pulis habang isinasagawa ngayon ang imbestigasyon sa mga ito.

Kabilang sa inimbestigahan ng PRO-7 ang hepe ng San Nicolas Police Station na si PMaj Eduard Sanchez. Sa oras na mapatunayan na sangkot ang mga ito sa naturang reklamo, haharapin nito resulta ng kasong Grave Coercion, Robbery at Grave Threats at two counts of rape ang haharapin sa isa sa labing isang pulis.