KALIBO, Aklan— Inilipad na pabalik sa Chengdu, China ang 11 Chinese tourist na pansamantalang nanatili sa isang hotel na pagmamay-ari ng provincial government sa bayan ng Kalibo, Aklan.

Kinumpirma ni Dr. Cornelio Quatchon, Provincial Health Officer II ng Aklan na dakong alas-2:40 nitong Biyernes ng hapon nang lumipad ang sinakyan nilang eroplano papunta sa nasabing bansa.

-- Advertisement --

Una rito, dinala sa Gov. Corazon L. Cabagnot Tourism and Training Center sa Brgy. Old Buswang, Kalibo ang nasabing mga dayuhan na kinabibilangan ng pitong adult at apat na bata upang obserbahan kung makitaan ang mga ito ng sintomas ng 2019 Novel-Coronavirus.

Nabatid na ang naturang mga dayuhan ay nagmula sa Hubei province kung saan, apat sa mga ito ay may close contact sa pasyente sa Hong Kong na sinasabing infected ng coronavirus.

Magbabakasyon sana sila ng isang buwan sa Boracay ngunit hindi na ito natuloy dahil isinailalim ang mga ito sa 14 days incubation period quarantine.