CAUAYAN CITY- Bumiyahe na ang mga kawani ng Provincial Social Welfare and Development Office Isabela patungong Batangas dala ang 1,000 kaban ng bigas para maitulong sa mga nabiktima ng pagsabog ng bulkang Taal.
Umalis na ngayong gabi isang trailer truck ng provincial government ng Isabela lulan ang 1,000 kabang bigas kasama ang mga kawani ng Provincial Social Welfare and Development Office.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Romy Santos, media consultant ng provincial government ng Isabela na napagpasyahan ni Gov. Rodito Albano na sa halip na karagdagang pwersa ng rescue teams, water purifier at relief packs ay kaban-kabang bigas na lamang ang ipadala bilang tulong sa mga apektado sa pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Ito ay alinsunod na rin sa ipinadalang kahilingan ng mga opisyal ng lalawigan ng Batangas at Tagaytay City.
Anya 500 kabang bigas ay ipagkakaloob sa lalawigan ng Batangas habang ang nalalabing 500 kaban ay para sa Tagaytay City.
Batay umano sa ipinabatid ng provincial government ng Batangas sa halip na bigyan ng kanya -kanyang family packs ang mga evacuees ay mismong ang Local government unit ng bawat evecuation centers ang magluluto ng pagkain para sa kanila.
Sa kabila nito ay tiniyak ng provincial government ng Isabela na magpadala pa ng mga karagdagang tulong sa lalawigan ng Batangas kung kinakailangan.