ILOILO CITY – Itinapon lang sa gilid ng kalsada ang mahigit 100 mga nagamit na COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) test kit sa Barangay San Vicente sa Lungsod ng Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay P/Capt. Eduardo Siacon Jr., hepe ng Jaro Police Station, sinabi nito na mayroon na silang iniimbestigahan na umano’y nagtapon ng naturang mga rapid test kits.
Ani Siacon, dapat maayos ang proseso ng pagtapon sa mga infectious waste dahil may posibilidad na kontaminado pa ito ng COVID-19.
Ayon sa hepe, may nakuha nang video footage ang mga pulis ngunit hindi ito gaanong malinaw.
Sana aniya ay makipag-ugnayan din sa Iloilo City Government ang publiko kung mayroong mga infectious waste na kailangan itapon upang makuha ng mga tauhan ng General Services Office.