CAUAYAN CITY – Nahulog ang isang 10-wheeler truck na puno ng alak sa isang bangin sa Brgy. Magassi, Cabagan, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCpl. Larry Agub, investigator ng Cabagan Police Station, ang 10-wheeler truck ay minamaneho ni Alex Bungag, 24; sakay ang mga pahinanteng sina Joshua Bautista, 26, kapwa residente ng Santiago, Reina Mercedes, Isabela; at Charlie Avon, 24, taga-Brgy. Tagaran, Cauayan City.

Ang mga mahigit 1,000 karton ng alak ay dadalhin sana sa Tuguegarao City.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, mayroong iniwasang SUV ang driver ng truck sanhi para mawalan ng kontrol at bumangga sa gutter ng daan at nagtuloy-tuloy na nahulog sa bangin na tinatayang may apat na metrong lalim.

Sa nasbaing bilang ng mga karton, tinatayang nasa humigit kumulang 400 karton ang nabasag sanhi ng pagkakahulog ng sasakyan sa bangin.

Wala namang napaulat na nasaktan sa naturang aksidente.