BUTUAN CITY – Maghahandog ng 10-porsiento para sa kanilang simbahan ang bagong milyunaryo ng Bombo Radyo Philippines mula sa kanyang napanalunang isang milyong piso bilang major prize winner sa grand draw ng Buena Mano Salvo Year 20 Promo ng Bombo Radyo at Star FM kahapon.
Ayon kay Sheryl Tiologo, 39-anyos, residente ng Purok 6, Sitio Matin-ao, Brgy. Bonbon, nitong lungsod ng Butuan, siya at ang kanyang asawa mismo ang nakarinig nang i-anunsyo ang kanyang pangalan habang siya ay kumakain matapos maglaba.
Hindi umano niya inaasahan na siya ang magiging ika-81 na miyembro ng Bombo Millionaire’s Club dahil kaunti lamang ang kanyang entries na naisumite sa ikatlo at ikapitong linggo ng promo duration.
Puno ng pasasalamat ang kanyang pahayag sa Panginoon dahil sa mga nakaraang promos na kanyang sinalihan sa loob ng limang taon, isang milyong piso ang kanyang hiling ngunit mga daily prizes lamang ang kanyang natanggap.
Ngayon na isang libong piso lamang ang kanyang hiningi, saka pa ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon ang isang milyong piso.
Ibinahagi pa ni Tiologo na kanyang isinulat sa papel ang kanyang kahilingan bilang bahagi ng hamon ng kanilang simbahan na ilista ang nais nilang biyaya mula sa Panginoon.
Dagdag pa niya, ang ibang bahagi ng kanyang napanalunan ay gagamitin sa pagpapatapos ng kanilang bahay, pagbili ng sasakyan para sa discipleship ng kanilang simbahan tuwing linggo upang hindi na siya gagastos ng mahigit isang libong piso kada linggo, at ang natitira ay idadagdag na puhunan sa kanilang negosyo.
















