-- Advertisements --
search rescue landslide nueva viscaya

CAUAYAN CITY – Natagpuan na ang 10 nasawi matapos matabunan ng gumuhong lupa sa Barangay Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, kay PDRRM Officer Robert Corpuz ng Nueva Vizcaya kanyang sinabi na nagtulungan ang lokal na pamahalaan ng Quezon, Nueva Vizcaya Mobile Force Company at Quezon Police Station na nagsagawa ng search, rescue and retrieval operation sa mga biktima.

Unang nakita ang bangkay nina Markconie Binwag, 25, binata, laborer, residente ng Maddela Quirino at Noel Tayaban, 39, laborer at residente naman ng Lagawe, Ifugao.

Nakita naman sa Sitio Bit-ang ang mga katawan nina Francisco Napadawan, 54, laborer, residente ng Diffun, Quirino, at Jomar Comilang, 33, laborer at residente ng Tayapa, Lagawe, Ifugao.

Dinala na sa isang punerarya sa Baresbes, Quezon, Nueva Vizcaya ang mga bangkay ng mga biktima.

Sa ngayon ay hindi pa ipinapalabas ang pangalan ng iba pang mga nasawi.

Unang nasagip si Julie Ann Tanisa, 15, estudyante na agad dinala sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang mga nag-asikasong doktor..

Samantala sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Gov. Carlos Padilla ang kanyang pakikidalamhati sa pamilya ng mga nasawi.

Sinabi niya na bagamat karamihan ng mga nasawi ay hindi residente ng Nueva Vizcaya ay tiniyak naman nito na magbibigay ng tulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga pamilya ng bikima.