Umapela ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa mga miyembro ng cause-oriented groups na huwag ng maglunsad ng kilos protesta sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, nirerespeto ng PNP ang malayang pagpapahayag pero ngayong nasa panahon ng pandemya ay hindi ito makakatulong dahil mae-expose lamang sa virus ang mga lalahok dito.
Pero para kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary general Renato Reyes, magsasagawa sila ng kilos protesta sa kabila ng banta ng coronavirus pandemic.
Siniguro naman nito na kanilang ipatutupad ang safety protocols gaya ng pagsuot ng face masks, face shields at paggamit ng disinfectants.
Sa panig ni Banac, kung plano talaga ng mga militanteng grupo na magsagawa ng kilos protesta ay dapat kumuha na sila ng permit sa local government units at siguraduhin na tatalima sa quarantine guidelines.
Tiniyak naman ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na mahigpit na ipatutupad ang health and safety protocols para masiguro na ligtas ang Pangulo sa kaniyang panglimang SONA sa darating na July 27.