Inendorso na ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa plenaryo ang mga panukalang batas na magbibigay ng Philippine citizenship kina Bennie Boatwright at Matthew Ramos.
Tinalakay ng komite ang mga panukala mula sa Kamara at Senado na naglalayong kilalanin ang ambag ni Boatwright sa basketball at ni Ramos sa wrestling, lalo na sa kanilang kagustuhang kumatawan sa Pilipinas sa international competitions.
Ayon sa mga mambabatas, makatutulong ang dalawa sa pagpapalakas ng national teams at magsisilbing inspirasyon sa mga kabataang atletang Pilipino.
Si Boatwright, isang 6-foot-10 forward mula Los Angeles, ay naglaro na sa iba’t ibang international leagues at sa Philippine Basketball Association (PBA), kung saan tumulong siya sa San Miguel Beermen na makakuha ng kampeonato.
Samantala, si Ramos, na may dugong Pilipino mula sa kanyang ama, ay isang accomplished wrestler na naging world champion sa cadet level at kinilalang NCAA All-American habang naglalaro para sa Purdue University.
Kapwa nagpahayag ang dalawa ng kagustuhang maging Pilipino at kumatawan sa bansa sa mga pandaigdigang kompetisyon.
Kapag naaprubahan sa Senado at naisabatas, tuluyan nang magiging mamamayang Pilipino sina Boatwright at Ramos, na magbibigay-daan upang makapaglaro sila para sa Pilipinas sa international stage.











