-- Advertisements --

Malapit nang tuluyang maapula ang sunog sa Navotas Sanitary Landfill matapos ang halos isang buwan ng patuloy na firefighting operations, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay DPWH Undersecretary Charles Calima Jr., inaasahang tuluyang maaapula ang apoy sa loob ng apat hanggang limang araw, lalo na ngayong nadagdagan ang suplay ng lupa na ginagamit para takpan at patigilin ang apoy.

Sa kasalukuyan, nasa humigit-kumulang 79.6% na ng sunog ang kontrolado, habang 30–40% ng 44-ektaryang landfill ang natabunan na ng lupa upang mapigil ang pagkalat ng apoy.

Gayunpaman, sinabi ng Navotas Disaster Risk Reduction and Management Office na patuloy pa ring may banta dahil sa direksyon ng hangin at mga “underground heat pockets” na maaaring magpabalik ng apoy.

Target ng mga awtoridad na gumamit ng humigit-kumulang 200 tonelada ng lupa upang tuluyang matakpan ang buong lugar.

Samantala, tiniyak ng lokal na pamahalaan na magsasampa sila ng kaso laban sa Phil Ecology Systems Corp. dahil sa umano’y pag-abandona sa kanilang obligasyon sa safe closure at rehabilitation ng landfill.

Ayon kay Navotas Mayor John Rey Tiangco, hindi maaaring ilipat ang responsibilidad ng environmental compliance certificate ng kumpanya, kaya mananagot pa rin sila sa insidente.

Tinatayang aabot ng hanggang tatlong taon bago tuluyang ma-rehabilitate ang lugar matapos ang insidente.