-- Advertisements --

Sumiklab ang malaking sunog sa Navotas Sanitary Landfill nitong Biyernes ng gabi, Abril 10, 2026.

Batay sa paunang impormasyon, nagsimula ang sunog bandang ala-8:00 ng gabi sa Barangay Tanza at nananatili pa rin itong aktibo hanggang alas-11:00 ng gabi.

Batay sa ulat ng Navotas City Fire Station, gumamit na ng mga fireboat ang mga bumbero upang apulahin ang sunog dahil nasa isang isla ang lokasyon ng landfill, na nagpapahirap sa direktang pag-access ng mga responder.

Bukod dito may mga residente rin sa kalapit na lugar, kabilang ang ilang komunidad malapit sa Barangay Dampalit sa Malabon City, kaya’t nakaalerto ang mga awtoridad dahil sa posibleng epekto ng usok at init ng apoy.

Ayon sa nakalap ng Bombo Radyo, ang landfill ay hindi na aktibo mula pa noong Agosto 2025 at dati nang ginagamit bilang tambakan ng basura ng Metro Manila.

Patuloy namang nakaantabay ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection sa lugar upang tuluyang maapula ang apoy at matukoy ang sanhi ng insidente.