-- Advertisements --

Naglabas ng panibagong paalala ang pamahalaang lungsod ng Manila nitong Lunes, na hinihikayat ang mga residente na magsuot ng face mask dahil sa “very unhealthy” na kalidad ng hangin bunsod ng patuloy na sunog sa Navotas Sanitary Landfill.

Ayon sa Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (Manila City DRRM Department), batay sa kanilang air quality sensors, umabot sa mapanganib na antas ang polusyon sa hangin sa Maynila at mga karatig-lungsod pagsapit ng hatinggabi ng Abril 27.

Pinayuhan din ang publiko, lalo na ang mga malapit sa Puregold Tayuman, na manatili na lamang sa loob ng bahay kung hindi kinakailangang lumabas.

Hinikayat ang lahat na magsuot ng face mask bilang proteksyon laban sa masamang epekto ng maruming hangin, lalo na ang mga bata, senior citizens, buntis, at mga may sakit sa paghinga gaya ng asthma.

Patuloy pa ring nasusunog ang landfill at umabot na sa tinatayang 28.6 ektarya ang naapektuhan hanggang Abril 21, anim na araw matapos magsimula ang sunog.

Samantala, patuloy ding naglalabas ng paalala ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na manatili sa loob ng bahay hangga’t maaari at magsuot ng face mask dahil sa usok at smog mula sa nasusunog na landfill.