-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Sinampahan na ng tig-iisang kasong murder at frustrated murder ang dalawang drug personalities na subject sa drug buy-bust operation sa nakaraang gabi sa Sitio Cayutan, Purok 2, Brgy. Cagniog, Surigao City.

Ito’y matapos mang-agaw ng baril ang isa sa mga subject persons na nauwi sa pagkabaril-patay ng isang pulis at pagkasugat ng isa pa .

Matatandaang nasawi sa naturang insidente si Police Staff Sergeant Charito Gepulla, 38-anyos, residente sa Barangay Magallanes, sa bayan ng Claver, Surigao Del Norte, habang sugatan naman si Patrolman John Paul Lesmoras, 26-anyos, residente sa Brgy Lenentian, sa bayan ng Cantilan, Surigao del Sur.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni PCol Warren Dablo, Provincial Director ng Surigao Del Norte Police Provincial Office, natapos na sana ang operasyon laban kina alyas Ronron Maturan at isa pa niyang kasamahan.

Ngunit nang posasan na sana ang mga suspek, biglang nang-agaw ng baril si Maturan at binaril sa kanang bahagi ng tiyan si Gepulla, habang tinamaan naman sa kaliwang tuhod at kanang braso si Patrolman Lesmoras.

Dinala pa ang mga biktima sa Caraga Regional Hospital, ngunit namatay din si Gepulla pagkalipas ng iilang oras.

Kinumpirma rin nito na kinabukasan ay sumuko ang isa sa mga suspek habang pinaghahanap pa si Maturan na siyang nang-agaw ng baril.