CAGAYAN DE ORO CITY -Pinaghahanap pa ng pulisya ang dalawang armadong kalalakihan na nasa likod nang pamamaril laban sa tatlong sibilyan sa bisinidad ng Mindanao State University (MSU-Marawi) campus sa Barangay Lomidong,Marawi City.
Kinilala ng imbestigador na si Executive Master Sgt Saadodin Hadjinor ng Marawi City Police Station ang namatay’ng biktima na si Samanodong Menor Macadaag,32 anyos,may asawa na taga-Barangay Induran,Maranao ng Lanao del Sur.
Samantala nilalapatan naman ng medikasyon sa loob ng Amai Pakpak Medical Center ang mga sugatan na kinabilangan ng isa umanong negosyante na si Salic Macantanto Alawi Sarip,58 anyos at Moh’d Salic Ampuan Salic Jr,20 anyos na kapwa residente sa mismong pinangyarin ng kremin.
Dagdag ng Hadjinor na bagamat natukoy na nila ang mga suspek na sina Sohaily Arindin Ampuan at Raffa Madali ay naglusad pa sila ng malawakang pagtutugis laban sa mga ito.
Una nang ginamitan umano ng mga suspek ng M-16 rifle ang mga biktima batay sa apat na recovered empty cartridges sa crime scene kaya napuruhan si Macadaag.
Magugunitang hindi pa nga nalutas ang malapitan na pagbaril-patay ng dalawang mag-aaral na kapwa taga-Lanao del Norte sa katulad na campus ay nasundan na naman ito ng iba pang kremin sa mismong loob lamang ng buwan ng Setyembre 2021.