-- Advertisements --

Nagdulot ng ingay sa social media ang rebelasyon ng dating beauty queen na si Janina San Miguel.

Una rito ay nag-trending ang documentary ng Undercover Asia kung saan ibinunyag ng 2008 Binibining Pilipinas-World ang aniya’y maruming kalakaran sa beauty pageant.

Ayon sa ngayo’y call center agent at pamilyado na rin, hindi talaga siya naging masaya kahit nakoronahan siya sa edad lamang na 17 dahil nagulantang sa naranasang indecent practices.

CNA Janina 5

“Noong nandoon na kami, sinabi na 3 million (pesos) for a one-night stand. ‘Yung 25 million (pesos), gagawin ka niyang girlfriend, bibigyan ka niya ng car, condo, resort, lahat,” lahad nito sa nasabing investigative series ng isang news channel sa Singapore.

“Iyon na nga ‘yung maduming kalakaran nila. Ang dami talagang gustong maging girlfriend or wife ang isang beauty queen.”

Nabatid na naging naging kontrobersyal din siya sa nasungkit na Binibining Pilipinas-World crown noong 2008 dahil sa question and answer portion na patungkol sa pamilya.

Kung maaalala, taong 2018 nang ibunyag naman ng tatlo sa Miss Earth contestants ang umano’y sexual harassment ng ilang pageant sponsor.

Kabilang dito sina Jaime VandenBerg ng Canada, Abbey-Anne Gyles-Brown ng England, at Emma Mae ng Guam.