-- Advertisements --

Kinumpirma ng Office of the Civil Defense (OCD) na may isang indibidwal na nasawi habang pito na ang napaulat na nasugatan bunsod ng pinagsamang epekto ng Super Typhoon Nando at pinaigting na habagat sa bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, iniulat ni OCD spokesperson Diego Mariano na nasawi ang isang indibidwal dahil sa landslide na nangyari sa may Benguet.

Ayon sa OCD official, mayroong naka-standby na rescuers para sa posibleng search and rescue operations sa isolated areas.

Sa kasalukuyan, ayon sa opisyal, apektado ang mahigit 159,000 indibidwal o katumbas ng 43,500 na pamilya dahil sa epekto ng bagyo. Sa nasabing bilang, aabot hanggang 5,000 pamilya ang inilikas patungo sa mga evacuation centers.

Base din sa assessment ng ahensiya, may 38 lugar sa bansa ang nawalan ng suplay ng kuryente. Pagdating naman sa mga linya ng komunikasyon, bagamat wala pang natatanggap ang ahensiya na anumang aberya patuloy ang kanilang isinasagawang pagsusuri.

Samantala, tuluy-tuloy naman ang pakikipagtulungan ng ahensiya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pamamahagi ng relief aid sa mga sinalanta ng bagyo.

Ayon kay OCD spokesperson Mariano, mayroon nang naka-preposition na family food packs ilang araw bago pa man tumama ang bagyo sa bansa at tiniyak na walang kakapusan sa suplay ng mga ipapamahaging relief aid.