“Dumudugo” pa rin umano ang puso ni Sen. “Bong” Revilla Jr., sa tuwing napapagtanto na sumakabilang-buhay na ang kanyang ama na si Revilla Sr.
Ngayong araw kasi, July 26, ay eksakto isang buwan na mula nang pumanaw si Don Ramon sa edad na 93.
Nabatid na muling nag-Facebook Live ang 53-year-old actor politician kung saan napaluha ito nang dumalaw siya sa rancho ng ama kahapon.
Unang beses daw niyang bumalik doon mula noong mamaalam ang “Agimat” star kaya labis na nanibago sa tahimik na paligid at wala na roon ang lagi niyang dinadalaw.
“Dumudugo pa rin ang puso ko. Hindi ako makapaniwala na wala na talaga ang tatay ko,” malungkot na sambit nito.
Gayunman, alam daw nito na kailangan pa ring magpatuloy sa buhay sa kabila ng pangungulila sa ama.
“Ang mga kababaihan, nirerespeto, huwag nating saktan. Saka yung pagtulong, hangga’t kaya mo, tumulong. Iyon ang lagi niyang pangaral sa amin,” dagdag pa nito sa pagbabalik-tanaw.
Inilibing ang nakatatandang Revilla sa kanilang pag-aari na Angelus Memorial Park kung saan din nakahimlay ang aktor na si Ramgen Revilla, isa sa mahigit 70 anak nito na pinatay noong taong 2011.
Nagsilbi sa Senado si Revilla Sr., mula 1992 hanggang 2004.
Taong 2015 nang una siyang maospital at kinailangang sa intensive care unit agad dahil sa aspiration pneumonia.
Makalipas ang limang taon, muli itong isinugod sa ospital noong May 31 hanggang sa tuluyang bawian ng buhay nitong June 26 dahil sa heart failure.
Kahit tanyag sa pagkakaroon niya ng humigit-kumulang 70 anak sa iba’t ibang babae, nagbitiw ito ng pahayag noon na huwag siyang tularan dahil komplikado ang ganoong sitwasyon.