Mistulang hinamon ni Gov. Jonvic Remulla ang mga residente ng Cavite matapos nitong ipinasara muli ang lahat ng mall sa kanilang lalawigan kahit bukas na sana kasabay ng pagkakaroon na lamang ng general community quarantine (GCQ) roon.
Sa Facebook post sa ika-apat na araw ng GCQ sa Cavite, inilatag ng 52-year-old governor ang mga panibagong patakaran sakaling payagan muli ang mall operations.
Isa sa pinakabago ay ang pagbibigay umano ng time card para sa mga kwalipikadong papasok sa mall kung saan isang oras lamang maaaring magtagal sa loob, at dapat ay palabas na kapag last 10 minutes na lamang.
“May time card na iibigay sa bawat napasok Ng mall. 1 hour (isang oras) lamang Ang pwede sa loob. May mga safety marshal ang management at kailangan ipakita ang mga time-card na ito pag itinanong. Pag 10 minutes to go ay sasamahan kayo palabas. Ang grocery at supermarket ay konsensya ninyo ang time limit. Tandaan, bilang ang supermarket kart na pwede pumasok. Pag may nalabas na isa ay saka lang may papasok. Kung akala ninyo na karapatan ninyo ang magtagal ay makonsensya naman kayo at marami din ang may kailangan mamili.”
Bawal din ang mag-mall hopping, kung saan ang mga matatagpuan sa Dasma ay para sa taga-Dasmarinas lamang. Gayundin sa Bacoor, General Trias, at Imus, at Silang, Cavite.
Nabatid na biglang tumaas ang bilang ng Coronavirus Disease cases sa Cavite nang inilagay sa GCQ, dahilan upang mag-beast mode si Remulla.
Mula kasi sa 239 confirmed cases sa Cavite noong May 13, nasa 275 na raw ang bagong total ng mga tinamaan ng sakit as of May 17, Linggo.
Samantala, kapag naging masunurin na ang mga Caviteño ay tsaka lamang nito pag-iisipan ang pag-lift o pag-alis sa liquor ban.