GOLDEN STATE WARRIORS
GSW/ IG post

Pinanigan ng ilang mga basketball analysts ang Golden State Warriors na siya pa ring tatanghaling kampeon ngayong 2019 NBA Finals na mag-uumpisa na bukas.

Paliwanag ng mga ito, kahit wala ang isa sa star players ng Warriors na si Kevin Durant, nariyan naman ang iba pa gaya nina Stephen Curry at kanilang mga bench players na maaaring masandalan ng two-time defending champions.

Magiging puhunan din aniya ng Golden State ang kanilang karanasan sa NBA Finals, bukod pa sa talento ng kanilang mga players, upang punan ang anumang mga injury issues na kinaharap nila sa postseason.

Ngunit aminado rin ang mga ito na hindi basta-basta ang makakatunggali nilang Toronto Raptors lalo na’t asahan umanong magiging sakit sa ulo ng Warriors si 2014 NBA Finals MVP Kawhi Leonard.

Gayunman, may ilang mga observers din ang kumampi sa Raptors na unang beses pa lamang tatapak sa Finals mula nang maitatag ito noong 1995.

Anila, pangunahin sa magiging bentahe ng Raptors ang kanilang matindi at versatile na depensa na kaya raw nilang i-adjust kahit sa mismong kalagitnaan ng laro.

Maaari rin daw na samantalahin ng Toronto ang pagkakataon na sa kanilang home court idaraos ang unang dalawang laro ng Finals upang diktahan ang takbo ng kanilang serye kontra sa Warriors.

Toronto Raptors

Higit anila sa lahat, magiging susi rin daw ng Raptors si Leonard na mistulang Rubik’s cube na hindi pa tuluyang naso-solve ng Golden State.