Tiniyak ni DSWD Sec. Erwin Tulfo sa mga mambabatas na sasalain nilang mabuti ang nasa 1.3 million household 4Ps beneficiaries na nakatakdang matanggal sa programa.
Ayon sa kalihim, batid niya na may alinlangan ang mga mambabatas at sa mismong mga beneficiaries nang kanilang ianunsiyo ang posibleng delisting dahil sa hindi na maituturing na “poor” o mahirap.
Bunsod nito nakipag-pulong siya sa samahan ng mga 4Ps beneficiaries at inalam kung ilan ba talaga ang maaari nang “grumaduate” sa programa.
Lumalabas aniya na 30% hanggang 40% muna ang hindi dapat alisin.
Bunsod nito, pinagsumite ni Tulfo ang naturang samahan ng listahan ng mga benepisyaryo na maaari nang alisin.
Pagtitiyak pa ng kalihim na maalis man sa 4Ps program ay may iba pang programa ang DSWD tulad ng sustainable livelihood program at AICS.
Batay naman sa tala ng ahensya, hanggang nitong September 5, 2022, nasa 187,613 household beneficiaries ang opisyal na na-delist sa 4Ps.
Ilang programa din ng DSWD ang nanangangailangan ng dagdag na pondo para sa 2023.
Sa presentasyon ni Sec Tulfo ng kanilang proposed budget para sa susunod na taon, tinukoy nito ang Social Pension for indigent senior citizen, centenarian program at supplementary feeding program na kabilang sa kanilang tier 2 o “wish list.”
Aniya, kailangan ng dagdag na P25.78 billion na pondo sa social pension matapos maisabatas ang pension increase sa mga senior citizen mula P500 hanggang P1,000.
Nasa P66.2 billion naman ang apelang dagdag para sa pagpapatupad ng centenarians act para sa 662 waitlisted centenarians na gagawaran ng P100,000 oras na sumapit sa kanilang ika-100 kaarawan.
Kasama rin sa tier 2 ang P2.56 billion para sa supplementary feeding program dahil sa pagtaas sa presyo ng hot meals at gatas.
Para sa 2023, P196.775 billion ang kabuuang panukalang pondo ng DSWD at attached agencies nito.