-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na nasa 1.1-milyong mag-aaral lang sa buong bansa ang hindi nakapag-enroll sa basic education level ngayong school year.

Ayon kay DepEd Undersecretary Jesus Mateo, base sa latest enrollment data para sa School Year (SY) 2020-2021, umabot na sa 26.6-million ang mga enrollees sa kapwa pampubliko at pribadong paaralan.

Sa nasabing bilang 22.7-milyon ang enrolled sa mga public schools, habang 3.3-milyon naman sa private.

Paglilinaw din ito ng DepEd matapos lumabas ang resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) kung saan umabot umano sa 4.4-milyong kabataan ang hindi enrolled sa eskwelahan.

Batay din sa nasabing survey, nasa 87% ng lima hanggang 20-anyos na mga Pinoy o katumbas ng 29.8-milyon ang enrolled ngayon sa mga paaralan sa bansa.